Natatandaan ko, bumili ako ng damit 'nun. Kulay pink. Sabi kasi, swerte daw ang kulay pink sa first date. Natatandaan ko din kulay yellow ang pants ko 'nun. Natatawa ako pero 'yun 'yung time na nauso yung pants na makulay. 'Yung striking ang colors. Feeling ko ang ganda-ganda ko nun. Nag blower pa ko nun.
Sa MOA kami nagkita. 'Dun sa may McDo sa labas. Nauna akong dumating. Umupo muna ko sa mga plant boxes dun. Kinakabahan ako pero mas lamang 'yung excited ako. Iniisip ko, sana ok ang kalabasan. Sana, mag-click kami. Sana di sya ma-bore sa 'kin.
Nag-text na s'ya. "Nandito na ko sa Mcdo". Nakita ko na s'ya. Naka-shades, kulay blue na striped polo shirt ang suot n'ya. Nung nakita n'ya na din ako, nag-ngitian kami. Alam mo 'yung feeling ng naglalakad kayo papalapit sa isa't-isa. 'Yung parang sa movie. 'Yung parang airport scene. Parang ganun naramdaman ko 'nun. Kinakabahan talaga ko.
Sabi n'ya, "Ano gusto mo gawin?' Sabi ko, "Kain muna tayo". Lunch time kasi yun. S'ya ang namili ng restaurant. ('Yun na ata ang first and last time n'yang nag-decide kung san kami kakain.) Sa Tempura kami kumain nun. Magkatabi kami sa upuan. Alam ko nahihiya s'ya, pero ako, unti-unti ng hindi. Gutom na kasi talaga ako nun. Saka hindi ako type na babae na nahihiyang kumain ng marami. Ang inorder namin nung time na 'yun yung Curry Rice. 'Yung rice flavored curry na nakabalot sa scrambled egg na parang crepe style. May drizzled sauce sa ibabaw. Nag-tempura din kami nun. Hindi ako ganun kahilig sa Japanese Food. Tokyo-Tokyo lang ang alam kong kinakainan kong Japanese Fast food, at puro bento style pa 'yun. Nag-kwentuhan kami ng kaunti after kumain tapos sabi ko nood kami ng sine. Ako naman ang sasagot.
Umakyat na kami, Ang movie that time is "Journey to the Center of the Earth". Nakakahiya pa sa may cashier, nag-uunahan kami magbayad ng ticket. The typical first date. (Pero ngayon, Ikaw na ha! :)) Ang ending, alam ko s'ya nagbayad pero nilagay ko yung pera sa bulsa ng shirt nya. :) Hindi namin nasimulan 'yung movie. Na-late kami. Baka dahil sa kakapilitan namin kung sino ang magbabayad.
After ng movie, usually kung hindi mag-iikot-ikot sa mall, eh uuwi na. Niyaya nya ko mag coffee. Hindi ako mahilig sa coffee talaga. Pero sige na nga. Dun sa isang coffee shops sa MOA, maliit na Cafe lang. Hindi s'ya crowded. Nalungkot nga ako kasi wala na ngayon 'yun dun. Dun kami nakapag-kwentuhan. Medyo matagal din kami dun. Sa mga oras na 'yun, masaya talaga ko. Kasi sabi ko, buti na lang di ako nauubusan ng kwento. Buti na lang ang daldal ko. Lumabas na din ang kadaldalan niya. :) Sabi ko sa sarili ko, parang effective ang pink blouse at yellow pants ko.
After mag-kape, hinatid n'ya na ko sa bahay. After nun, umuwi na s'ya. Nagtext na kami uli ng nag-text.
---------------------------
FAST FORWARD:
Merong one time nung nagkita kami sa MOA, mag-asawa na kami nun. Sabi ko "San ka? San tayo magkikita?" Ang reply n'ya, "Nandito ako kung san tayo nag-meet nung first date naten." ---
Kinilig ako kasi nag-flashback ang pink blouse at yellow pants ko. :)
0 Comment:
Post a Comment